Ang Pagmamahal sa Sariling Wika

     Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda." Ito ay isa sa mga pinakatanyag na kasabihan ni Gat Jose Rizal na nag-iiwan ng malalim na mensahe tungkol sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Ang kasabihang ito ay naglalayong ipaalala sa atin ang kahalagahan ng pagmamahal at pagpapahalaga sa ating sariling wika, na siyang nagsisilbing haligi ng ating kultura at identidad.


     Sa panahon ngayon, mapapansin na marami sa atin ang higit na naaakit sa paggamit ng wikang banyaga kaysa sa sarili nating wika. Halimbawa, usong-uso sa ating bansa ang Korean language, na masigasig na tinatangkilik ng mga kabataan. Walang masama sa pag-aaral ng ibang wika, ngunit nagiging suliranin ito kapag mas binibigyang pansin ang banyagang wika kaysa sa sariling atin. Kapag isinantabi natin ang Filipino, para na rin nating tinanggihan ang ating sariling kultura at kasaysayan, dahilan kung bakit sinasabi sa kasabihan na mas masahol pa tayo sa hayop at malansang isda.


     Ang wika ay hindi lamang isang kasangkapan sa komunikasyon, kundi ito rin ay isang simbolo ng ating pagkakaisa at pagmamahal sa bayan. Sa tuwing ginagamit natin ang ating wika, binibigyang-buhay natin ang ating mga ninuno at ipinapakita ang ating pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo. Kaya bilang mamamayan ng Pilipinas, tungkulin natin na ipagmalaki at gamitin ang sariling wika sa araw-araw na buhay. Sa pagmamahal at paggamit ng wikang Filipino, hindi lamang natin pinapalakas ang ating sariling identidad kundi pati na rin ang ating pag-ibig sa bayan. Sa ganitong paraan, magiging buo at matatag ang ating pagkatao bilang mga Pilipino


https://images.app.goo.gl/ajX7tZ8bDznxJcbu5


Comments

Popular posts from this blog

Diploma o Diskarte: Ano ang pipiliin mo?

Pagsisikap Tungo sa Tagumpay